Huli sa akto ang isang traffic law enforcer na gumagamit ng shabu sa loob ng banyo ng tanggapang ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa press conference ng MMDA, tinukoy ang nasabing traffic law enforcer na si Rommel Aluyen na labing limang taon na sa serbisyo. Base sa kwento ni MMDA General Manager Jojo Garcia, isang sumbong ang kanilang natanggap mula sa isa pang empleyado na nakakita umano kay Aluyen na humihithit ng shabu sa loob ng banyo.
Samantala, arestado rin ang isa pang empleyado sa admin department ng MMDA matapos namang mahuling humihingi ng lagay sa mga nag-aapply bilang traffic law enforcer at street sweeper.
Kinilala naman ito na Luisa Bon, na dalawampu’t dalawang taon nang nagtatrabaho sa MMDA. Mayroong video na kung saan ay makikita na pailalim na iniabot kay Bon ang papel na sinasabing naglalaman ng isang libong piso.
Agad namang nagsagawa ng entrapment operation ang mga opisyal ng MMDA laban kay Bon.
Matapos ang insidente, ipinag-utos na ni MMDA Chairman Danny Lim ang pagtatanggal sa trabaho kina Aluyen at Bon.
Sa ngayon ay hawak na ng MMDA ang dalawang tiwaling empleyado na posibleng maharap sa kasong administratibo, extortion at grave misconduct.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: MMDA, shabu, traffic enforcer