Tone-toneladang smuggled na sibuyas, nasabat ng Bureau of Customs sa Maynila

by Radyo La Verdad | April 24, 2018 (Tuesday) | 3089

Mahigit limandaang tonelada ng smuggled na sibuyas galing China ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Terminal kahapon.

Palabas na sana ng terminal ang iba sa labimpitong container vans na naglalaman ng smuggled na sibuyas.

Sa deklarasyon ng mga consignee, mansanas ang laman ng mga container; pero nang buksan ito, tumambad ang mga sibuyas na halos sinlalaki ng mansanas.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, sari-saring paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act ang haharapin ng mga consignee. Posible rin silang makasuhan ng economic sabotage.

Nadiskubre ang smuggled na sibuyas dahil sa impormasyong ipinarating sa Department of Agriculture (DA) na agad namang inaksyonan ng BOC. Kasama pang nag-inspeksyon si Agriculture Sec. Manny Piñol.

Ayon sa kalihim, delikado ang mga sibuyas na ito na halatang hindi man lang nilinis ipinadala sa Pilipinas.

Malaking kalugihan din aniya ito sa mga magsasaka dahil babagsak ang presyo ng sibuyas sa merkado kung sakaling nakalusot ang kargamento.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,