Iginiit ni Senator Bongbong Marcos sa kaniyang mensahe sa pagdiriwang ng “Araw ng Agrikultura” sa Baler Aurora, na dapat ibuhos ng gobyerno ang suporta sa isang programa tutulong upang mabangon muli ang naghihingalong sektor ng agrikultura sa bansa at muling maging pangunahing pwersa sa agrikultura sa buong Asya.
“Todohin ang paglago ng agrikultura sa bansa. Ipanumbalik natin ang estado ng bansa bilang isang higante sa larangan ng agrikultura,” ani Marcos.
Sinabi ng senador na ikinalulungkot nito ang patuloy na pagbaba ng antas ng sektor ng Agrikultura sa bansa kung saan tatlumpu’t pitong porsyento ng manggagawa sa bansa ay kabilang sa sektor na ito na may pinakamaliit na sahod.
Ayon kay Marcos hindi lamang ang tradisyonal na serbisyo ang dapat ibigay ng Department of Agriculture sa mga magsasaka kundi dapat din nitong pag-aralan ang mga problema ng sektor ng agrikultura mula sa punto de bista ng mga magsasaka mismo.
Dagdag pa ng senador,makakatulong din ang Cooperative Development Authority, para i-organisa ang mga magsasaka upang lumakas ang kanilang kapangyarihan sa negosasyon at sa merkado.
(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)
Tags: Pilipinas, Senador Bongbong Marcos, “Hari ng Agrikultura sa Asya”