Terminal to terminal na operasyon ng mga UV Express, sinuspinde ng LTFRB

by Erika Endraca | June 3, 2019 (Monday) | 6902

MANILA, Philippines – Pansamantala munang pinigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang implementasyon kaugnay sa pagbabawal sa mga UV Express van na magbaba at magsakay ng mga pasahero sa labas ng kanilang mga terminal.

Sa abiso ng Department of Transportation (DOTr), kinumpira ng ahensya na pansamantalang suspendido muna sa loob ng 2 linggo ang implementasyon ng bagong regulasyon, upang bigyang daan ang gagawing konsultasyon sa mga grupong apektado nito.

Nauna nang tinutulan ng ilang transport group at mga pasahero ang hakbang na ito ng LTFRB na anila’y magpapahirap sa mga pasahero.

Reklamo ng mga driver,maraming mga pasahero ang posibleng hindi na sumakay sa mga UV Express upang hindi na mapalayo sa kanilang destinasyon.

Habang ang mga pasahero naman, umaangal rin dahil mado-doble anila ang kanilang pamasahe at lalo pang hihirap ang kanilang pagko-commute.

Samantala muli naman ipapatawag ng LTFRB ang ilang mga transport groups at commuters welfare group upang pakinggang ang kanilang panig ukol sa polisiyang ito.

Nauna nang hiniling ng ibang grupo ang pagtatalaga ng mga loading at unloading zones para sa UV Express upang hindi na mahirapan ang mga pasahero.

Nakatakdang magpalabas ng panibagong advisory ang LTFRB kaugnay sa magiging resulta ng gagawing konsultasyon.

(Joan Nano | Untv News)

Tags: , ,