Nais ng ilang senador na bigyan ng patas na trato ang mga empleyado at negosyanteng maliit ang kita. Naging basehan nila ito sa pagsusulong na maaprubahan ang pagtataas ng personal income tax exemption sa 250,000 pesos na siyang orihinal na panukala ng Department of Finance mula sa 150,000 pesos.
Nangangahulugan ito na magsisimula ang pagpataw ng 20% tax kapag lumagpas na sa 250 thousand pesos ang personal income ng isang indibidwal. Mananatili naman ang 82,000 pesos tax exemption para sa 13th month pay at iba pang bonus.
Samantala, isinusulong naman ni Senator Panfilo Lacson na mabawasan ang mga pinapatawan ng value-added tax exemption. Nais rin niyang mapababa ito sa 10% mula sa kasalukyang 12%.
Ngunit ayon kay Senator Angara, bagama’t hindi maaaring maibaba ang VAT rate, posibleng mabawasan ang mga sektor na binibigyan ng exemptions. Tiniyak ng senador na mananatili pa rin pribilehiyo na ibinibigay para sa senior citizens, kooperatiba at persons with disabilities.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )