Tatlong suspek sa pagbebenta ng iligal na baril sa Maynila, patay matapos sa engkwentro

by Radyo La Verdad | December 10, 2018 (Monday) | 13365

Nauwi sa habulan at barilan laban sa tatlong lalaking hinihinalang iligal na nagbebenta ng baril ang buy bust operation na isinagawa ng mga pulis sa Baseco Compound, Maynila bandang alas dos ng madaling araw kanina.

Patay ang tatlong suspek kabilang ang lider ng mga ito na kinilala lang sa alyas na Oteb habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa niyang kasama.

Ayon sa otoridad, kabilang umano ang mga suspek sa isang gun running group at napag-alaman ang mga iligal na aktibidad ng mga suspek mula sa isang confidential informant ng mga pulis.

Matapos ang ilang araw na pagmamanman at pakikipag-usap ng mga pulis na nagpanggap na buyer, tuluyan nang pumayag ang mga suspek na magbenta ng mga baril sa mga operatiba.

Agad na nagsagawa ng buy bust operation ang mga tauhan ng Manila CIDG katuwang ang Ermita Police Station.

Ngunit habang isinasagawa ang aktuwal na bentahan ng mga baril, natunugan ng mga suspek na mga pulis ang katransaksyon nito kaya’t agad na pinaputukan ang mga operatiba.

Mabilis na tumakas ang tatlong suspek sakay ng isang motorsiklo ngunit naabutan ang mga ito ng mga rumespondeng pulis.

Nang makarating ang mga suspek sa dead end na kalsada sa Baseco Compound, dito na na-corner ng mga pulis ang mga suspek na nakipagpalitan ng putok ng baril. Patay ang tatlong suspek habang wala namang nasugatan sa hanay ng mga operatiba.

Sa inisyal na pagsisiyasat, narecover sa mga suspek ang isang kwarenta y singkong baril, calibre 38 revolver, calibre 22 revolver, calibre 9 mm revolver at isang mk-2 fragmentation hand grenade.

Nag-ooperate umano ang naturang criminal group sa Metro Manila, partikular sa Maynila, Navotas at Quezon City.

Patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang iba pang posibleng grupong kinabibilangan ng mga suspek kaugnay ng gun running.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,