Tatlong fatal wounds, natagpuan ng PAO Forensic Team sa bangkay ni Kian Delos Santos

by Radyo La Verdad | August 21, 2017 (Monday) | 3359

Dalawang tama ng bala ng baril sa ulo at isa sa likod ang nakita ng PAO Forensic Team sa katawan ni Kian Delos Santos, ang 17 anyos na nasawi sa anti-illegal drug operation ng Caloocan Police noong Miyerkules.

Naniniwala si PAO Chief Atty. Percida Acosta na hindi nanlaban ang biktima at sinadya ang pagpatay sa binatilyo. Dahil dito ay desididong magsampa ng kasong murder ang pamilya Delos Santos laban sa mga sangkot na pulis.

Ayon sa PAO, hihintayin na lamang nila ang final forensic examinations ng kanilang Forensic team at iko-consolidate ang lahat ng mga ebidensya.

Naniniwala naman si Buhay Partylist Representatives Lito Atienza  na isa itong kaso ng extrajudicial killing.

Binatikos din nito at ni dating Vice President Jejomar Binay ang tila nagiging otomatikong depensa na ng mga pulis ang war on drugs sa tuwing may napapatay sa operasyon.

Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin lumalabas ang resulta ng naunang autopsy na isinagawa ng SOCO.

 

(Leslie Longboen / UNTV Correspondent)

Tags: , ,