Tatlong biktima ng magkahiwalay na motorcycle accident sa Butuan City, nirespondehan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | May 7, 2018 (Monday) | 3931

Dalawang magkasunod na aksidente sa motorsiklo ang nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team sa Libertad, Butuan City noong Biyernes.

Pasado alas dies ng gabi nang unang maaksidente ang motorcycle rider na si Fernando Sanchez at angkas nito na si Rogelio Aquino.

Ayon kay Sanchez, binabaybay nila ang Libertad National Highway nang masagi sila ng kasabay na isa pang motorsiklo kaya sila natumba.

Nagtamo ng mga sugat at galos sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dalawang biktima na agad naman nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team.

Habang ang mga sakay naman ng kabanggaan nilang motorsiklo ay tinulungan ng Butuan CDRRMO. Pagkatapos nito ay dinadala na ng news team sina Sanchez at Aquino sa Butuan City Medical Center.

Samantala, nakahiga pa sa kalsada at iniinda ang pananakit ng katawan ng datnan ng UNTV Rescue Team ang sundalong si Romel Calonod sa may Libertad, Butuan City pa rin pasado alas onse naman ng gabi.

Agad nilapatan ng first aid ng grupo ang biktima na nagtamo ng gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay Calonod, pabalik na sana siya sa Camp Bacansi nang mabangga nito ang isang tumatawid na aso kaya natumba ang kanyang minamanehong motorsiklo.

Matapos malapatan ng pangunang lunas ay dinala si Calonod sa Manuel J. Santos Hospital.

 

( Raymond Octubre / UNTV Correspondent )

Tags: , ,