Taripang nakolekta ng BOC mula sa imported rice, umabot na sa P5.9B

by Erika Endraca | July 11, 2019 (Thursday) | 4832

MANILA, Philippines – Umabot sa 1.43 million metric tons o 28.6 million na sako ng bigas ang pumasok sa bansa mula nang ipatupad ang rice tariffication law noong Pebrero.

Ayon sa Department of Finance (DOF), nangangahulugan ito ng P5.9 billion na koleksyon sa buwis mula sa mga inangkat na bigas ng pribadong sektor.

Pinakamalaking koleksyon ang mula sa subic port na nasa 1.37 billion pesos, sinundan ng port of Manila, Manila international container port, port of Cagayan De Oro at port of Davao.

Sa buwis mula sa imported rice kukunin ang 10 bilyong pisong ayuda na ilalaan sa mga magsasaka kada taon para matulungang mapalakas ang produksyon ng palay sa bansa.

Kalahati sa pondo ay ilalaan sa pamamahagi ng mga makabagong makinarya sa mga magsasaka at ang ibang bahagi naman ay para sa binhi, pautang at iba pang pangangailangan sa pagsasaka.

Pinaniniwalaan ng dof na ang rice liberalization act ay magpapababa sa mga bilihin pangunahin na ang bigas na maaaring mabawasan ng P7 kada kilo.

Ayon naman kay dating Agriculture Secretary William Dar, kung maipapatupad ng tama ang P10 bilyong pondo na ayuda sa mga magsasaka ay mapapababa nito ang gastos sa palay.

Mula aniya sa P12 kada kilo ay maaaring maging P6 na lamang ito kung ibabawas ang tulong sa mechanization, binhi, pautang at training sa mga magsasaka.

Mas mababa ngayon ang halaga ng gastos sa pagsasaka sa vietnam na mahigit sa p6 kada kilo habang sa thailand naman ay mahigit sa P8.

“I believe and with proper implementation of the 10 billion (pesos) rice competitive enhancement fund, this will make a long, long, long way in making the rice farmer very competitive.” ani Former DA Secretary William Dar.

Ayon pa sa dating opisyal, mahalaga rin aniya na mapagtuunan ng pansin ang irigasyon para maparami pa ang produksyon ng palay.

“If there is build… build… build for imports and other infrastructure, there must be build , build , build for irrigation.” ani Former DA Secretarywilliam Dar.

Samantala, umabot na sa 5.4 million bags na palay ang nabili ng national food authority mula sa mga lokal na magsasaka.

Patuloy parin itong magbebenta sa merkado ng P27 kada kilo ng bigas.

(Rey Pelayo | Untv News)

Tags: ,