Umaabot na sa mahigit 100 libong ektarya ng sakahan at pangisdaan ang napinsala ng Bagyong Rosita sa Northern at Central Luzon na nagkakahalaga ng P2.6B.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, pangunahing tinamaan ang mga taniman ng palay.
Posible aniyang hindi na maabot ang target na ani ngayong taon na mahigit sa 19 na milyong metriko tonelada dahil nasa 800 libong metriko tonelada o nasa 16 na milyong sako na palay ang tinatayang nawala dahil sa bagyo.
Subalit mas mataas pa rin ang kanilang inaasahang produksyon ng palay kumpara noong 2016.
Sa kabila nito ay tiniyak naman ng Department of Agriculture (DA) na sapat pa rin ang supply ng bigas sa bansa. Bukod sa mga pananim ay nasira din ang mga manukan sa ilang lugar na dinaanan ng bagyo sa Isabela.
Makakakuha ng assistance ang mga naapektuhan mula sa insurance at may nakalaan pondo na maaaring mahiram ng mga ito para makapagumpisang muli.
Samantala, walang nag-alok sa bidding para sa 203k mt ng bigas na aangkatin ng bansa.
Ayon kay NFA Asst. Adm. Maria Mercedes Yacapin, hindi kaya ng mga bidder na mga bansang Vietnam at Thailand ang ilang kundisyon sa kontrata tulad ng pagdedeliver ng bigas sa kalagitnaan ng Disyembre.
Pero sa ngayon aniya ay may nabibili naman silang palay sa mula sa mga lokal na magsasaka.
Ayon kay Piñol, sisikapin ng pamahalaan na maangkat ang nasa 750k mt o 15 milyong sako ng bigas bago matapos ang taon.
Malaking bagay din aniya na naipatupad ang suggested retail price (SRP) sa bigas dahil napigilan nito ang mga nais manamantala sa pagtataas ng presyo nito.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )
Tags: Agriculture Secretary Manny Piñol, bigas, DA