Tapatang Judiciary at AFP sa UNTV Cup S9 Finals, kasado na

by Radyo La Verdad | May 23, 2023 (Tuesday) | 3609

METRO MANILA – Hindi pa rin matupad ang matagal na pinapangarap ng NHA Home Masters na finals appearance sa UNTV Cup nang ungusan ng three-time champion AFP Cavaliers sa do-or-die game ng best-of-three semifinal series ng UNTV Cup Season 9.

Tila seesaw ang eksena sa first half dahil sa palitan ng mga dekalibreng tira ng 2 koponan na ayaw magpatalo sa laro. Ngunit mula sa 3-point lead ng Cavaliers sa pagtatapos ng halftime (49-46), ginamit nila itong puhunan upang ilayo ang lamang sa 8 sa pagtatapos ng 3rd quarter sa score na 68-60.

Dahil sa determinasyon ng Home Masters na makapasok sa finals sa kauna-unahang pagkakataon, naidikit ng koponan sa 73-73 sa 4:58 minuto ng fourth quarter subalit unti-unti nang lumamig ang kamay ng NHA sa free throw line sa mga huling minuto.

Sinabayan pa ito ng mahigpit na depensa at 8-0 run ng AFP na pinag-ambagan nina Romeo Almerol at best players Mark Salupado (10 pts., 6 rebs., 1 ast., 2 stls.) at Darwin Cordero (21 pts., 13 rebs., 1 ast., 3 stls.) dahilan upang umabante sa finals sa final score na 81-74 na may seryeng 2-1.

Dahil sa panalo ng 3-time champion AFP Cavaliers ay ililista ng koponan ang ika-5 finals appearance sa torneyo at makakaharap ang kapwa multi-season champion Judiciary Magis.

Magsisimula ang  best-of-three finals matchup sa pagitan ng 2 koponan ngayong Miyerkules sa Novadeci Convention Center, Novaliches, Quezon City.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)