Tanim bala sa NAIA, handang imbestigahan ng PNP

by Radyo La Verdad | November 4, 2015 (Wednesday) | 1313

PNP
Handa ang Philippine National Police na imbestigahan ang modus na tanim bala sa Ninoy Aquino International Airport.

Ito’y kung itatalaga ng mga kinauukulan ang PNP upang imbestigahan ito.

Ayon kay PNP PIO Chief P/CSupt. Wilben Mayor, may kakayahan ang PNP sa pamamagitan ng Criminal Investigation and Detection Group at Intelligence Service na matukoy kung sino ang sindikatong nasa likod nito.

Sinabi pa ni Mayor na apektado na ang reputasyon ng bansa sa insidente ng sinasabing tanim bala kaya’t handa silang tumulong sa imbestigasyon upang makilala ang responsable sa nasabing modus.

Dagdag pa ni Mayor, bukod sa malaki ang epekto nito sa kinabukasan ng nabibiktima ay malaki rin ang multa nito.

Base kasi sa bagong batas na Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, malaki ang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng mga makakasuhan dahil mahuhulihan ng bala sa naia.

Sinabi ni PNP Aviation Security Group Spokesperson P/Supt. Jeanne Panisan, nasa 80 libong piso kada bala ang piyansa kung filipino ang mahuhuli subalit mas malaki kapag dayuhan na nasa 200 libong piso.

Kaya naman muling paalala ng PNP sa publiko, i check at i lock ng maayos ang bag bago umalis ng bahay at iwan na rin ang bala na ginagawang key chain o agimat dahil mahigpit itong ipinagbabawal. (Lea Ylagan / UNTV News)

Tags: ,