Sugatang driver ng delivery truck na sumalpok sa isang jeep, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | March 14, 2017 (Tuesday) | 945


Nadatnan pa sa gilid ng kalsada ng UNTV News and Rescue Team ang driver ng delivery truck na ito matapos sumalpok ang kaniyang sasakyan sa kasalubong na pampasaherong jeep sa national highway ng Brgy.Sala, Cabuyao, Laguna alas dyes y medya kagabi.

Kinilala ang driver ng delivery truck na si Michael Garcia, 24 anyos na nagtamo ng gasgas sa kaliwang tuhod at idinadaing nito ang pananakit ng kaniyang kaliwang paa.

Agad naman itong nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team.

Ayon sa nakakita sa aksidente lumampas sa linya ang delivery truck kaya ito sumalpok sa kasalubong na pampasaherong jeep.

Paliwanag naman ng driver ng truck iniwasan niya ang papatawid na babae kaya ito lumampas sa kaniyang linya.
Sa lakas ng pagkakabangga wasak ang harapan ng truck na kargado ng gamot habang ang jeep naman ay sumampa sa gutter ng kalsada at bumangga sa poste ng waiting shed.

Tumanggi ng magpahatid sa ospital si Garcia matapos malapatan ito ng first aid ng grupo.

Ang mga barangay tanod naman ang nagdala sa ospital sa driver ng jeep at sa ilang pasahero nito.

(Sherwin Culubong / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,