Subukan muna ang implementasyon ng doble plaka bago amyendahan ang batas – Sen. Gordon

by Radyo La Verdad | April 8, 2019 (Monday) | 2803

METRO MANILA, Philippines – Nanindigan ang may akda ng Motorcycle Crime Prevention Act na si Senator Richard Gordon na dapat pa ring ituloy ang pagpapatupad ng bagong batas kung saan nakapaloob dito na kailangang lalakihan ang sukat at dodoblehin ang plaka ng motorsiklo. Ito ang tugon ni Gordon sa naging pahayag ng Pangulo na suspendihin muna ang implementasyon ng doble plaka.

Ayon sa mambabatas dapat ipatupad muna ang batas upang makita ang aktwal na epekto nito at saka na lamang amyendahan kung sakaling hindi magiging epektibo.

Handa naman si Gordon na makipag-usap at sundin ang sasabihin ng Pangulo ukol dito.

Pero iginiit ng Senador na layunin ng batas na masawata ang mga krimen na kinasasangkutan ng motorcycle riding suspects.

“Ipinagtatanggol ko lang ang mga taong pinapatay ng mga riding-in-tandem assassins. They can no longer seek justice for themselves. How do we do justice to this people? You limit the way people can get away with riding without motor plates and riding with stolen motorcycles,” ani Sen. Richard Gordon.

Paliwanag pa ni Senator Gordon, kung sakaling ikokonsidera niya ang mga suhestyon ng Pangulo, kinakailangan pumayag ng isang pang Senador bago tuluyang maamyendahan ang batas.

Ipinauubaya naman ng Land Transportation Office sa Kongreso ang pag amyenda sa mga probisyong nakapaloob sa batas ukol sa doble plaka.

Ayon kay LTO Chief Edgar Galvante, hihintayin muna nila ang magiging desisyon ng mga mambabatas bago tuluyang maisapinal ang implementasyon at disenyo ng plaka ng motorsiklo.

Pero unti-unti na rin umano nilang sisimulan ang iba pang mga proseso gaya ng pagpaparehistro ng mga rider at pakikipagusap sa bidder na siyang gagawa ng plaka.

Ito’y upang hindi sila magipit sa panahon at masimulan pa rin ang nakatakdang implementasyon nito sa June 30.

 “Kasi marami ito naka record 7.1 million at meron pang mga hindi pa nakakarehistro maidadagdag pa yun, kaya kailangang magadjust kami ng halimbawa yung aming operating hours hindi biro yung ganun karaming magpaparehistro talagang magkakaroon ng mahab-habang pila,” sinabi ni ASEC. Edgar Galvante.

Umani naman ng papuri mula sa grupo ng mga motorcycle rider ang ginawa ng Pangulo.

Ayon kay Motorcycle Federation of the Philippines Chapter President Mario Montalban, ipinagpapasalamat nila ang suporta ng Pangulo.

Muling nilinaw ng mga ito na handa nilang sundin ang batas, subalit hindi nito dapat makompromiso ang kaligtasan ng mga rider.

“Kami naman hindi naman kami tumututol kung hindi naman labis labis masyado naman yun na nilakihan mo na  yung plaka sa likod lalagyan mo pa sa harap parang hindi na tama,” ani Mario Montalban, Presideng ng Motorcycle Federation of the Philippines Chapter.

Samantala ipinaliwanag naman ng malakanyang na nilagdaan lamang ng Pangulo ang Motorcycle Crime Prevention Act sa layuning maproteksyunan ang publiko laban sa masasamang loob.

 “He signed it because yung batas na yun for the protection ng general public, yan ang underlying basis niya for signing it,” ani Salvador Panelo, Presidential Spokesperson.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,