SSS, Ombudsman, at Department of Agriculture, unang beses sasalang sa UNTV Cup Final 4; AFP Cavaliers, dedepensahan ang titulo sa semis

by Radyo La Verdad | March 4, 2024 (Monday) | 6231

METRO MANILA – Matapos ang maaksiyong 2nd Round Eliminations ng UNTV Cup Season 10 noong March 3, kumpleto na ang huling 4 na koponang natitira upang makuha ang championship title ng liga ng public servants.

Dahil sa Top 1 and 2 finish ng Social Security System (SSS) Kabalikat at Department of Agriculture (DA) Food Master noong elimination rounds, sigurado na ang kanilang unang semifinal appearance sa liga.

Habang naghahanda ang SSS at DA sa semis, tila lumusot naman sa butas ng karayom ang defending champion Armed Forces of the Philippines (AFP) Cavaliers at Office of the Ombudsman Graftbusters sa nagdaang quarterfinals para sa 2 natitirang semis slot.

Pagpasok ng quarters, napanatili ng AFP Cavaliers ang top seed na may kartadang 11-5 upang pumuwesto sa semis samantalang dumaan sa win or go home match sa Novadeci Convention Center, Quezon City ang Ombudsman (9-6) kalaban ang DENR Warriors (9-6) na sa score na 68-67 ay unang beses papasok ang Ombudsman sa final 4.

Ayon sa semifinal format ng Sports & Charity league, magtutuos sa best-of-three series ang kapwa semifinal contender SSS Kabalikat kontra Ombudsman Graftbusters maging ang Agriculture Food Master kalaban ang beteranong AFP Cavaliers na magsisimula sa March 6.

Ang sinomang mananalo sa 2 head-to-head match-up ay aabante sa Finals upang hiranging kampeon ng kasalukuyang season at ang matatalo sa semis ay may huling laban para sa Battle for Third.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: ,