Mabibigyan na ng giya ang mga mamimili kung magkano ang nararapat na halaga ng commercial rice sa mga pamilihan.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, bago matapos ang Oktubre ay ilalabas ng DA, DTI at NFA ang suggested retail price (SRP) ng bigas.
Pag-uusapan pa ng Department of Agriculture (DA) kasama ang mga trader, miller at mga grupo ng mga magsasaka sa susunod na linggo kung magkano ang itatakdang SRP.
Lalagyan naman ng label ang mga bigas kasama na ang klasipikasyon ng mga ito.
Ayon sa kalihim, 4 na lamang ang magiging klasipikasyon ng bigas sa merkado; ito ang regular milled rice, well milled rice, whole grain head rice at special rice.
Ang pamahalaan din ang magbibigay ng sertipikasyon kung ang isang bigas ay special rice gaya ng dinorado.
Magsasagawa ng regular na inspeksyon ang DA at NFA sa mga pamilihan para masigurong walang over pricing at tamang timbang ng mga ibinebentang bigas.
Sa kalagitnaan naman ng 2019 ay ilalagay na rin sa label ng bigas ang pinanggalingan nito at kung kailan inani.
Umaasa naman ang DA na bago matapos ang Oktubre ay bababa na sa P38 ang imported na bigas habang 39-44 naman sa locally produced na bigas.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )