Sirang poste ng overpass sa Mindanao Avenue Quezon City, pinangangambahang bumigay

by Radyo La Verdad | August 2, 2018 (Thursday) | 1631

Viral ngayon sa social media ang post na ito ng isang netizen na si Sofia Castro kung saan makikita ang sirang poste ng overpass sa kanto ng Road 3 Mindanao Avenue sa Quezon City.

Kapansin-pansin na halos wasak na ang pinaka-pundasyon ng poste at tila na-angat na ito mula sa kalsada.

Sa ngayon, umaabot na sa mahigit labing dalawang libo ang shares nito at umani na rin ng mahigit apat na libong reaction.

Sa comment section ay makikita ang iba’t-ibang pahayag ng mga netizen na karamihan ay nangangamba na tuluyang bumigay ang poste ng overpass.

Kanina personal na pinuntahan ng UNTV News Team ang overpass. Makikita na basag na ang semento ng poste.

Kwento ng isang residente sa lugar, nito lamang linggo ng madaling araw ay sumalpok sa naturang poste ang tatlong sasakyan.

Bunsod nito, nangangamba tuloy ang ilang mga residente na dumaan sa overpass dahil baka tuluyan na itong masira.

Ayon naman sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Quezon City First District Engineering Office, sa ngayon nakapagpadala na sila ng sulat sa Quezon City Engineering Office at inaatasan ito na ayusin na ang naturang tulay.

Sinubukan ng news team na kunan ng pahayag ang City Engineering Office ng Quezon City Government subalit walang sumasagot sa tawag.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,