METRO MANILA – Inaprubahan na ng Metro Manila Council (MMC) ang pagpapatupad ng single ticketing system sa mga lalabag sa lahat ng traffic violation sa National Capital Region (NCR).
Sa loob ng 45 days o hanggang March 15, kinakailangang iayon ng mga alkalde ang depinisyon at halaga ng multa ng traffic violations sa kanilang mga ordinansa upang tuluyan nang maipatupad ang sistema sa buwan ng Abril.
Bukod sa maiiwasan na ang kalituhan, naniniwala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mas mapabibilis din nito ang proseso sa pagbabayad ng penalty.
Kung dati ay kinakailangan pang personal na magtungo sa isang munisipyo kung saan nagawa ang traffic violation, ngayon maaari na itong bayaran sa pamamagitan lamang ng online payment system.
At para magawa ito maglalagay ang mga Local Government Unit (LGU) ng Information Technology (IT) system upang magkaroon ng interconnectivity sa database ng Land Transportation Office (LTO).
Ayon pa sa MMDA, maiiwasan na rin na maisyuhan ng dobleng ticket ng magkaibang LGU ang isang motorista sa kaparehong traffic violation.
Sa ilalim ng single ticketing system, kikilalanin na ng ibang lungsod ang naisyung ticket ng traffic law enforcer mula sa ibang syudad sa Metro Manila, tiniyak naman ng MMDA at Metro Manila Council na hindi kukumpiskahin ng mga local traffic enforcers ang drivers license ng mga mahuhuling motorista.
(JP Nunez | UNTV News)