Senator-elect Lito Lapid, hindi pa nagsusumite ng Statement of Campaign Expenditures (SOCE) – COMELEC

by Radyo La Verdad | June 20, 2019 (Thursday) | 6712
Photo: Facebook page of Lito Lapid

METRO MANILA, Philippines – Labing-isa sa mga nanalong Senador nitong 2019 Elections ang nakapagbigay ng kanilang SOCE o Statement of Contributions and Expenditures sa Commission on Elections, si Senator-elect Lito Lapid na lang ang wala pa ring SOCE hanggang ngayon batay sa ulat ng campaign finance office ng COMELEC.

Noong June 13 pa ang deadline ng COMELEC sa pagsusumite ng SOCE pero maaari pa naman umanong magpasa si Lapid hanggang sa Nobyembre o anim na buwan pagkatapos ng proklamasyon. Pero ayon sa COMELEC, depende na sa pamunuan ng Senado kung pauupuin si Lapid sakaling walang itong maipasang SOCE hanggang sa pagbubukas ng 18th Congress sa June 30.

“Technically hindi dapat sila makapag-assume ng office but ultimately, it’s the senate leadership that will enforce that rule.” Ani Dir. James Jimenez ang Spokesman ng COMELEC.

Sa ngayon, patuloy na binubusisi ng COMELEC ang isinumiteng SOCE ng mga kandidato.

Sa mga nanalong Senador, may pinakamalaking gastos si Senator-elect Christopher Bong Go at sinusundan nina Francis Tolentino, Grace Poe, Sonny Angara, at Cynthia Villar.

Ayon sa COMELEC, wala pa silang nakikitang kwestiyonable sa mga isinumiteng SOCE ng mga ito at maging ng mga political parties at Party-list groups.

“Wala pang namumuro if that’s your question noh. Wala pa tayong naa-identify specifically na questionable submissions and that’s not really a surprise considering the number of submissions that we have and the volume of each submission, kung gaano siya kakapal.” Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez

Pero hindi umano babalewalain ng COMELEC ang makikita nilang kaduda-dudang mga datos sa mga SOCE.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,