Labing anim na senador ang bumoto upang tanggalin na kay Sen. Leila De Lima ang chairmanship ng Senate Committee on Justice and Human Rights na siyang nag-iimbestiga sa mga kaso ng pagpatay kaugnay ng kampanya ng Duterte Adminstration kontra droga.
Ito ay matapos magmanipesto sa plenaryo si Sen.Manny Pacquiao na ibakante ang pwesto ng pinuno at mga miyembro ng komite kasunod ng privilege speech ni Sen. Alan Peter Cayetano kung saan sinabi nito na biased si De Lima sa pagiging chairperson ng komite.
Dito rin hinikayat ni Cayetano na umaksyon na ang Senado dahil tila hindi na maganda ang imahe ng bansa sa international community bunsod ng imbestigasyon ng komite ni De Lima sa extrajudicial killings at summary executions sa bansa.
Puro mga kaalyaado naman ni Sen. Leila De Lima sa partido liberal na sina Sen. Risa Hontiveros, Sen. Bam Aquino, Sen.Franklin Drilon at Sen.Kiko Pangilinan ang hindi sumang-ayon sa mosyon ni Sen.Pacquiao .
Habang sina Sen. Ralph Recto, sen. Chiz escudero at sen. Antonio trillanes IV na puro minority, nag-abstain sa pagboto.
Ayon kay Senate President Aquilino Pimentel III na bumoto rin kontra kay de lima, ang reorganisasyon ay upang masigurong patas ang gagawing pagdinig ng kumite.
Nasaktan naman si Sen. De Lima sa naging desisyon at sinabing hindi niya inasahan na majority ng mga senador ay boboto laban sa kanya.
Giit pa niya, isa itong pangigipit ni Pres. Duterte sa kanya.
Si Sen.Richard Gordon na ang napiling bagong committee chair, si Sen .Panfilo Lacson naman ang vice chair, habang sina Sen. Leila De Lima, Sen. Grace Poe, Sen. Miguel Zubiri, Sen. Kiko Pangilinan at sen. Alan Peter Cayetano ang mga miyembro.
Ngayong hindi na siya ang chair ng komite, naniniwala si De Lima na malilihis ang pokus senate inquiry sa totoo issue.
Ngunit ayon kay Sen. Pimentel, ipagpapatuloy pa rin ng komite ang senate inquiry sa mga umano’y kaso ng etxrajudicial killings, alinsunod sa mga resolusyon na inihain ng mga senador sa isyu.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)
Tags: ni-reorganize para sa patas na illegal drugs probe, Sen. Pimentel, Senate Committee on Justice and Human Rights