Sen. Trillanes, kinasuhan na ng libel ni Mayor Junjun Binay

by Radyo La Verdad | April 14, 2015 (Tuesday) | 1851

JUNJUNBINAY_TRO-031315

Naghain na ng reklamong libel si Makati Mayor Junjun Binay laban kay Sen. Antonio Trillanes IV sa Makati Prosecutor’s Office.

Ito ay bunsod ng alegasyong panunuhol sa dalawang mahistrado ng Court of Appeals kapalit ng paglalabas ng T-R-O at Writ of Preliminary Injuction kontra sa Suspension Order ng Ombudsman.

Hindi naman natitinag si Trillanes sa kasong libelo at sinabing hindi siya titigil hangga’t hindi nakukulong ang mga kurakot. Nagkamali rin umano ang mga Binay ng taong tatakutin.

Una nang naghain ng resolusyon si Trillanes para maibestigahan ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang umano’y justice for sale sa hudikatura.

Kumbinsido rin si Trillanes na walang magiging problema sa hurisdiksyon nito dahil bahagi ito ng check and balance system gaya ng ginagawang proseso kapag pinapatalsik ng legislature ang SC Chief Justice.

Nilinaw rin niyang in aid of legislation ang resolusyon para malaman kung gaano kalalim ang problema ng suhulan na umano’y sanhi ng mababang suweldo.

Tiniyak rin niyang handa siyang makipag-tulungan sa Korte Suprema at isusumite niya ang lahat ng makukuhang ebidensya sa umano’y panunuhol sa dalawang C-A justices.

Sa ngayon ay wala pang pahayag ang Supreme Court sa isyu pero nilinaw nitong sila ang may disciplinary authority sa lahat ng Judiciary members.

Tags: ,