Satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte, bumaba – SWS survey

by Radyo La Verdad | July 11, 2018 (Wednesday) | 3558

Bumagsak sa 45% ang net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong second quarter ng 2018 batay sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS). Mababa ito ng labing isang puntos sa Marso 2018 net satisfaction rating na 56%.

Nangangahulugan ito na mula sa very good grade sa unang quarter ng taon, lumagpak  sa good ang gradong ibinigay ng publiko sa naging performance ng Pangulo sa second quarter. Ito ang pinakamababang net satisfaction rating ng Pangulo sa nakalipas na dalawang taon niyang panunungkulan.

Isinagawa ang survey sa 1,200 respondents mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa noong ika-27 hanggang ika-30 ng Hunyo 2018. Bumaba ang puntos ng Pangulo sa urban areas, mga nasa class D, sa mga kababaihan at kalalakihan at sa lahat ng age groups liban sa 18 to 24 anyos.

Samantala, hindi naman interesado si Pangulong Duterte sa resulta ng survey. Naniniwala naman ang Malacañang na kahit bumaba ang satisfaction ratings ni Pangulong Duterte, mas mataas pa rin ang gradong ito kumpara sa nakalipas na mga administrasyon.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,