Sasakyan na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek sa pagpatay kay Vice Mayor Lubigan, natagpuan sa Cavite

by Radyo La Verdad | July 12, 2018 (Thursday) | 4115

Patuloy na kinukumpirma ng Philippine National Police (PNP) kung ang natagpuan nilang itim na Toyota Hilux malapit sa Mabaco-Pantihan Bridge sa Barangay Tulay-B  Maragondon, Cavite kahapon ng umaga ay ang sasakyang ginamit ng mga bumaril kay Vice Mayor Alexander Lubigan ng Trece Martires.

Bagama’t wala na itong plaka nang matagpuan, bineberipika na ng pulisya ang buradong chasis at engine number ng sasakyan. Base rin sa nakitang posisyon ng sasakyan, tila tinangka itong ihulog sa ilog ng mga suspek.

Tiniyak naman ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation Cavite na kaya nilang resolbahin ang kaso kahit na tila inalis na ang mga ebidensya dito.

Nasa Maragondon Police Station na ang sasakyan at kasalukuyan pang pinoproseso ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Samantala, tiniyak naman ni Calabarzon Police Regional Director Chief Superintendent Edward Carranza na sisikapin nilang makuhanan ng pahayag si Mayor Melandres De Sagun pagbalik nito ng bansa.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,