Sandiganbayan, nagpalabas ng hold departure order sa mag-amang Binay

by Radyo La Verdad | July 20, 2016 (Wednesday) | 1273

BINAY
May inilabas ng hold departure order si Justice Amparo Cabotaje–Tang ng Sandiganbayan 3rd Division laban kay dating Vice President Jejomar Binay, anak na si Junjun at sampung iba pa.

Ang hold departure order o HDO na ipinalabas ay kaugnay ng mga kasong kinakaharap ngayon ng mag-amang Binay sa Sandiganbayan partikular na ang paglabag sa section 3E ng anti-graft and corrupt practices act o Republic Act 3019, falsification of public documents at malversation of public funds.

Nilinaw naman ng korte na kahit nasa ilalim ng hold departure order ang isang akusado, maaari pa rin itong makapagbiyahe sa labas ng bansa kung ipahihintulot ng korte.

Sinampahan ng kasoang mga Binay dahil sa umano’y maanomalyang pagpapatayo ng Makati Carpark Building na nagkakahalaga ng 2.2 billion pesos mula 2007 hanggang 2013.

Bukod sa mga Binay, may ilang dating empleyado at opisyales ng Makati City Hall ang nahaharap sa mga katulad na kaso.

Samantala, naniniwala naman ang kampo ng mga Binay na madi-dismiss din ang mga kasong kinakaharap ng mga ito sa anti-graft court.

(Rosalie Coz/UNTV Radio)

Tags: ,