SAF troopers na mula sa Marawi City, binigyang parangal

by Radyo La Verdad | October 26, 2017 (Thursday) | 2530

Dala-dala ang mga  puting banderitas at maliliit na bandila ng Pilipinas, matiyagang naghintay ang publiko na sumalubong sa Marawi SAF contingents kahapon sa pagbabalik ng mga ito.

Pasado alas dos ng hapon kahapon naman dumating sa Camp Bagong Diwa ang mga ito matapos ang Heroes March mula sa harap ng isang mall sa Bicutan.

Ang mga miyembro ng PNP Special Action Force Marawi contingents ay binansagang silent operators.

Sa 496 na naitalagang SAF sa Marawi, 182 dito ang nakabalik na ngayong araw dito sa Camp Bagong Diwa habang ang iba ay nagtungo na sa kanilang assignments sa Mindanao.

9 sa mga nakabalik ay mga babaeng SAF at 60 naman sa mga ito ay sugatan.

Lahat sila ay naparangalan ng medalya ng kadakilaan o PNP Heroism Medal habang ang injured in action ay nabigyan  ng medalya ng sugatang magiting o PNP Wounded Personnel Medal.

Apat naman sa mga SAF Marawi Contingent ang binigyan ng Posthumous Award matapos magbuwis ng buhay sa pakikipagbakbakan sa Maute-ISIS. Ito ay sina PO3 Alexis Mangaldan, PO1 Moises Kimayong Jr, PO2 Alexis Laurente at PO3 Daniel Tabaan Tegwa.

Naging emosyonal naman si PNP Chief Ronald Bato dela Rosa sa pagbibigay ng kaniyang mensahe sa mga SAF contingent.

Ayon sa kaniya, walang salitang akma para maipahayag ang kanyang pasasalamat sa mga ito sa pagtatanggol sa bayan at sa mga kababayan natin sa Marawi.

Inanunsyo rin nito ang promotion sa kanilang ranggo maliban na sa mga superintendent na ang posisyon.

Binigyan naman sila ng isang buwang bakasyon ng Chief PNP bago bumalik sa kanilang kani-kaniyang trabaho matapos ang limang buwang pakikipagbakbakan sa Marawi.

Ayon sa isa sa contingent commander na si Supt. Rex Maliban, malaking bagay na nakauwi silang ligtas at makabalik sa kampo.

Nagpapasalamat naman sa Dios ang isa sa mga sugatan dahil nakabalik silang buhay at nabawi na sa Maute-ISIS ang Marawi City.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,