Sabwatan upang itaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa TRAIN Law, mahigpit na binabantayan ng DTI

by Radyo La Verdad | January 16, 2018 (Tuesday) | 4305

Minimal lamang o walang masyadong epekto ang Train Law sa presyo ng mga basic commodities, ito ang sinabi ni DTI Sec. Ramon Lopez sa programang Get it Straight with Daniel Razon kahapon.

Sa ipinakitang datos ni Sec.Lopez, hindi man lamang lumampas sa singkwenta sentimo ang itinaas ng presyo sa mga pangunahing bilihin.

Ayon kay Sec.Lopez, bagamat malaki ang excise tax sa produktong petrolyo, hindi naman malaki ang epekto nito sa mga bilihin. Ipunto rin ni Lopez na kahit wala pa ang implementing rules and regulations ng TRAIN Law ay maaari ng ipatupad ang naturang batas.

Kung mayroon naman aabuso, posibleng makasuhan ng profiteering ang hindi makatwirang magtataas ng presyo. Pagkakakulong ng hindi bababa sa limang taon at hindi hihigit sa labing limang taon at multa na limang libo hanggang dalawang milyong piso ang parusa sa mga lalabag.

Subalit tiwala si Sec.Lopez na maliit ang porysento na mayroong mananamantala sa mga nagtitinda.

Panawagan naman niya sa publiko na isumbong sa DTI Hotline Number 751-3330 ang sinomang magtataas ng presyo labas sa itinalagang SRP.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,