Sa kabila ng mga nakabinbing petisyon sa Korte Suprema laban sa pagpapatupad ng provincial bus ban sa EDSA, pinirmahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang bagong memorandum order kung saan binago na ang ilang ruta ng mga provincial bus.
Sa ilalim ng LTFRB memorandum circular 2019-031, sa Valenzuela interim terminal na magbaba ng mga pasahero ang lahat ng provincial bus na galing sa norte at hindi na tutuloy sa kanilang terminal sa Cubao, Quezon City.
Ang mga bus naman na galing South Luzon, Visayas at Mindanao na may terminal sa Cubao ay dapat sa Sta. Rosa, Laguna Interim Terminal na magbababa ng mga pasahero. Pero kung ang kanilang terminal ay sa EDSA, Pasay City, obligadong nilang ibaba ang mga pasahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX.
Magkakaroon rin anila ng window hours ang pagpapatupad nito, subalit ang mmda na ang bahalang magtakda ng oras.
Subalit nakasaad rin sa memorandum order na magiging epektibo lamang ito sa oras na maipasara na ng mga lokal na pamahalaan ang mga terminal sa EDSA.
Posible namang tumaas o bumaba ang pamasahe depende sa destinasyon ng pasahero.
Sa isang mensahe sinabi ng LTFRB na ang inamyendahang ruta ay sumasangayon sa panukalang pagpapasara ng mga provincial bus terminal sa EDSA.
Ayon naman sa MMDA, kabilang ito sa kanilang pag-uusapan sa isasagawang metro manila council meeting bukas.
Target ng MMDA na simulan ang pagpapatupad nito sa lalong madaling panahon.
“This is the one that we’ve been waiting for the guidelines that will set the wing on the implementation bus terminal closures on EDSA kasi we cannot close it without any alternatives so ito na ‘yun,” ani Col. Edison “Bong” Nebrija, EDSA Trafffic Chief, MMDA.
Kamakailan naghain ng petisyon sa korte suprema si Albay Representative Joey Salceda, mga kinatawan ng ako Bicol Party List at Makabayan Bloc upang ipatigil ang pagpapatupad ng provincial bus ban sa EDSA.
Sinubukan ng UNTV News Team na kunan ng pahayag ang Provincial Bus Association of the Philippines ukol sa isyu, subalit hindi ito sumasagot sa aming tawag.
(Joan Nano | UNTV News)
Tags: EDSA, LTFRB, Provincial bus ban