Aksidente dito, aksidente doon, ito ang madalas na laman ng mga balita araw-araw. Mga taong nabundol dahil sa pagtawid sa hindi tamang tawiran, mga sasakyan na nagkabanggaan.
Ayon sa International Road Assessment Programme (iRAP), isa sa dahilan ay ang hindi magandang kondisyon ng mga kalsada sa bansa.
Sa pagsusuri na ginawa ng iRAP, nasa mababang 1 to 2 stars lamang ang antas ng road safety sa bansa. Ang mga kalsada na sana ay one lane lamang para sa isang sasakyan, nagiging pang two lane na. Ang naghihiwalay lamang sa kalsadang ito ay ang pintura na inilagay sa gitna.
Ayon sa World Health Organization (WHO), noong 2015, 53% ng mga aksidente sa kalsada ay mula sa mga motorsiklo, habang 19% ay kinasasangkutan ng mga pedestrian. Nasa edad 15 to 29 anyos ang madalas na nasasangkot sa aksidente sa daan ayon sa WHO.
Ayon sa National Center for Transportation Studies ng Unibersidad ng Pilipinas, totoong delikado ang mga kalsada sa Pilipinas, partikular sa Metro Manila.
Pero habang inaayos pa ng pamahalaan na maging ligtas ito para sa lahat, mas makakabuti na mag-adjust muna ang publiko.
Ayon sa MMDA, ginagawa nila ang lahat ng mga paraan para maging ligtas ang mga kalsada sa Metro Manila.
Suhestyon ng mga road safety advocate, isama ng mga pulitikong tatakbo ngayong eleksyon sa kanilang plataporma ang pagsusulong ng batas hinggil sa kaligtasan ng mga tao sa kalsada.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )