Review sa source code para sa 2019 elections, magsisimula na ngayong linggo

by Radyo La Verdad | October 15, 2018 (Monday) | 10329

Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na magkakaroon ng ilang “enhancements” sa source code ng mga vote count machines (VCM) para sa automated election system (AES) para midterm elections sa 2019.

Sa nangyaring kick-off event para sa gagawing review sa source code sa De La Salle University noong Sabado, sinabi ng Comelec Information Technology Department na kabilang dito ang pagkakaroon ng QR o quick response code na makakatulong upang matiyak ang transparency at accuracy ng mga boto.

Magkakaroon din ng dagdag na seguridad sa voter-verifiable paper audit trail (VVPAT), ang resibong nakukuha ng mga botante katunayan na kanilang pagboto.

Makikita na rito ang precinct number, QR code at geographical location na wala noong mga naunang eleksyon.

Bukod sa mga ito, nais ng Comelec na baguhin ang format ng mga balota upang makatipid sa papel at mas pabilisin pa ang ballot generation.

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, mula ang mga naturang mga enhancements sa mga input at ideya sa mga nagsagawa ng pagsusuri noong 2016 Presidential polls.

Umaasa naman ang poll body na mapapawi na ang pangamba ng ilang sektor sa integridad ng automated na halalan.

Sisimulan ang source code review sa ika-17 ng Oktubre 17 at tatagal hanggang ika-14 ng Disyembre.

Lalahukan ito ng nasa dalawampung indibidwal mula sa anim na grupo at isasagawa sa harap ng mga opisyal ng Smartmatic.

Layon ng pagsusuri na matiyak na malinis ang source code at walang mga malicious codes na nakalagay dito.

 

(   Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,