Resulta ng botohan sa mga presinto, ilalathala ng COMELEC sa isang website

by Radyo La Verdad | January 6, 2016 (Wednesday) | 1487

VICTOR_BAUTISTA-LAGMAN
Ilalathala ng COMELEC sa isang website ang resulta ng 2016 May elections upang makita ng publiko.

Una nang hiniling ni dating COMELEC Commissioner Gus Lagman na ilagay sa website ang resulta ng halalan sa mga presinto upang ma-tabulate ng sinoman at maiwasan ang pagdududa ng publiko.

Ayon kay Lagman bagamat may inilathala sa website ang COMELEC noong 2010 at 2013 polls kulang naman ang pumapasok na datos dahil hindi lahat ng election returns ay nakaupload rito.

Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, target ng komisyon na ang resultang ilalabas ng bawat vote counting machine ay makita sa website.

Samantala mag iikot naman ang Commission on Elections upang maipaliwanag sa publiko kung paano gumagana ang mga makinang gagamitin sa darating na halalan sa Mayo.

Kabilang sa tatalakayin ng COMELEC sa gagawing pag-iikot ang apat na security features na hinihiling ng ilang grupo na gamitin ng poll body sa darating na eleksyon.

Ito ang ang uv lamps, digital signature, Voter Verifiable Paper Audit Trail o VVPAT at ang source code review.

Halimbawa ang VVPAT o ang pag iimprenta ng resibo ng makina upang masuri ng botante kung tama ang pagbasa ng Vote Counting Machine o VCM sa kaniyang balota.

Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista may malaking advantage ang ganitong sistema subalit may disadvantage din.

Kabilang dito ang posibilidad na magamit ang resibo sa pagbebenta ng boto at ang pagbagal ng proseso ng halalan.

Isa sa tinitingnang alternatibo ng COMELEC ay gamitin ang monitor ng VCM upang doon ipakita kung sinu sino ang ibinoto ng isang botante sa halip na mag imprenta ng resibo.

Umaasa naman ang COMELEC na kapag nagawa na nilang maipaliwanag ang mga ito ay mababawasan na kanilang kritiko.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,