Rep. Robredo, tiwalang magwawagi laban kay Sen. Marcos

by Radyo La Verdad | May 16, 2016 (Monday) | 2302

MACKY_ROBREDO
Kumpiyansa ang kampo ni Vice Presidential Candidate Leni Robredo na hindi na makakahabol si Senator Bongbong Marcos.

Ayon kay Boyet Dy, head for policy ni Robredo, kahit pa ibigay ang natitirang boto na hindi pa natatabulate kay Senator Marcos ay hindi na ito sasapat para malampasan ang bilang ng boto kay Leni Robredo.

Sa Overseas Absentee Voting ay nananatili pa ring lamang si Marcos sa botong may bilang na 176,669 habang si Robredo naman ay mayroon lamang 89, 935 votes.

Subalit as of 1:45am dito sa PPCRV, kapag pinagsama ang botong natabulate na sa clustered precincts at OAV precincts ay umabot na sa 14,022, 742 votes ang naitala kay Robredo habang 13, 803, 444 votes naman ang nakuha ni Bongbong.

Lamang pa rin si Robredo kay Marcos ng 219, 298 votes.

Pinabulaanan naman ng PPCRV ang akusasyon ng kampo ni Senator Marcos na mayroong anomalya sa isinasagawang tabulation ng PPCRV.

Ayon kay Communications Director Anna De Villa-Singson, wala silang nakitang anomalya sa isinagawa nitong audit test.

Naninindigan din ito na tumatanggap lang sila ng data mula sa precincts at hindi nila kontrolado ang programming ng data nito.

Sa kasalikuyan ay 96.13% na ang naitabulate ng PPCRV at nilinaw din nito na hindi nila isang daang porsiyentong mabibilang ang lahat ng boto dahil hindi sakop ng kanilang hurisdiksyon ang mga isinagawaang manual na botohan.

(Macky Libradilla / UNTV Correspondent)

Tags: ,