Mananatili sa 70 USD per barrel ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado sa mga susunod na buwan.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ito ang kasalukuyang pagtaya ng oil-producing countries sa galaw ng oil prices.
Sa kabila ng pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, nananatili ang rekomendasyon ng economic managers kay Pangulong Rodrigo Duterte na suspindihin ang ikalawang bugso ng dagdag pataw na buwis sa langis sa susunod na taon ayon sa Department of Finance (DOF).
Ito ang nakatakdang dagdag pataw na buwis na dalawang pisong buwis kada isang litro ng langis o gasolina sa first quarter ng 2019.
Batay sa probisyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, kung aabot ng 80 dollars per barrel o higit pa ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng tatlong buwang sunod-sunod, sususpindihin ang nakatakdang pagtaas ng ipinapataw na buwis sa fuel.
Ayon kay Department of Finance Assistant Secretary Tony Lambino, hinihintay pa nila ang desisyon ni Pangulong Duterte sa rekomendasyong isinumite ng economic managers.
Gayunman, inaasahan ang susunod na hakbang ng Duterte administration matapos maipatupad ang excise tax suspension sa 2019.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )