Rehabilitasyon ng Estrella-Pantaleon Bridge, ipinagpaliban sa Enero 2019

by Radyo La Verdad | September 26, 2018 (Wednesday) | 7688

Matapos na isara ng halos dalawang araw, muling binuksan ng DPWH sa mga motorista noong Lunes ng gabi ang Estrella-Pantaleon Bridge.

Batay sa sulat na ipinadala ng DPWH sa MMDA noong Lunes, sinabi ng ahensya na nais nilang ipagpaliban na lamang sa unang linggo ng Enero 2019 ang rehabilitasyon ng tulay dahil sa “public demand”.

Layon nito na maiwasan anila na maka-ambag pa sa inaasahang mas matinding traffic ngayong ber months ang pagsasara ng Estrella-Pantaleon Bridge.

Sa unang araw ng pagsasara ng tulay, ayon sa DPWH nakita nila ang aktwal na epekto ng pagsasara ng tulay sa trapiko, kaya’t nagdesisyon silang ipagpaliban na lamang ito.

Bagaman magandang balita ito para sa MMDA, ayon kay MMDA Special Task Force Operations Head Edison Bong Nebrija, ikinagulat nila ang biglaang pagbubukas ng tulay nang walang abiso mula sa DPWH.

Batay sa unang impormasyong nasagap ng MMDA, ang Makati Public Safety Department (MAPSA) ang siyang nagbukas ng tulay.

Agad namang itong itinanggi ng MAPSA, at sinabing ang contractor ang siyang nagtanggal ng mga harang sa tulay upang muling makadaan ang mga sasakyan.

Base sa orihinal na plano, ika-23 ng Setyembre 2018, isasara ang tulay at tatagal ang kontruksyon sa loob ng higit dalawang taon.

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

 

 

 

Tags: , ,