Registration ng mga botante para sa Barangay at SK elections, muling bubuksan ngayong araw (July 4)

by Radyo La Verdad | July 4, 2022 (Monday) | 13485

METRO MANILA – Alinsunod sa Commission on Election (Comelec) resolution number 10798, magsisimula ang voter registration ngayong araw, July 4 hanggang 23, 2022.

Lunes hanggang Sabado, kasama ang holidays. Mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Nakiusap ang Comelec, dahil maikli lang ang panahon ng pagparehistro ay huwag nang hintayin ang huling araw ng pagpapatala para tiyak na makapagrehistro.

Para sa mga magpaparehistro, nais magpalipat ng lugar kung saan boboto, may correction sa entry ng kanilang records, o nais magpa-reactivate at mag-update ng record.

Pumunta sa tanggapan ng kanilang local Comelec office. Magdala lamang ng kahit isang valid o government ID.

May express lane na itatalaga para sa mga Persons With Disabilities (PWD), senior citizen at mga buntis.

Samantala, pinapayagan din ang satellite registration o ilipat ang venue ng pagpaparehistro.

Maaaring sa barangay hall o center, public at private universities, mall at commercial establishments at iba pa.

Layon nito na magkaroon ng malawak na lugar para maiwasan ang pagsisikan bilang pagsunod sa health protocols.

Payo din ng Comelec na kapag may nararamdamang sintomas ng COVID-19 ay ipagpaliban muna ang pagpunta sa kanilang mga tanggapan hanggat hindi pinahihintulutan ng doktor o mga otoridad.

Ang may edad na labinlimang taon pero hindi lalagpas sa tatlumpong taon bago ang nakatakdang Barangay at SK elections sa December 5, 2022 ay maaaring magpatala para sa SK elections.

Samantala, ang mga 18 taon pataas ay para naman sa barangay elections bilang regular voters.

Pwedeng i-download ang application form sa Comelec website na www.comelec.gov.ph para mabilis na ang proseso pagdating sa venue.

Binigyang diin ng Comelec na kailangan pa rin pumunta ng personal sa mga Comelec office o satellite venue upang kunan ng picture, pirma at fingerprint para sa biometrics.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,