PUV drivers at operators, hinimok ng LTFRB na gumamit ng dekalidad na GPS devices

by Radyo La Verdad | January 20, 2022 (Thursday) | 309

METRO MANILA – Nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 10 sa mga driver at operator ng public utility vehicles (PUVs) na gumamit ng mga dekalidad na global positioning system (GPS) devices sa kanilang mga sasakyan upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.

Ayon kay LTFRB R-10 Director Aminoden Guro, inoobliga ng Department of Transportation (DOTr) simula pa noong 2017 ang mga PUVs na mag-install ng Wi-Fi connection, closed-circuit security camera, dashboard camera at GPS sa kanilang mga sasakyan.

Aniya malaki ang naitutulong ng GPS devices hindi lamang sa pag monitor ng lokasyon ng mga sasakyan kundi pati na rin sa pagresolba ng mga krimeng maaring kasangkutan ng mga sasakyan sa loob at labas nito.

Nagpaalala rin ang direktor sa mga operator na huwag bumili ng mura ngunit hindi matitibay na GPS devices dahil bukod sa mas mabilis na masira ay wala rin itong warranty.

Binigyang-diin din ng ahensya na nagbigay na sila ng palugit sa drivers at operators para sa pag-install ng GPS devices at panahon na upang mahigpit itong ipatupad.

Kaugnay naman ng ipinapatupad na “No Vaccination, No Ride” policy ngayon sa NCR, sinabi rin ni Director Guro na hindi malayong ipatupad ito sa rehiyon sakaling mas tumaas pa ang maitatalang kaso ng COVID-19.

(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)

Tags: