Proof of Parking Space Bill, posibleng pagmulan umano ng korupsyon ayon sa isang road expert

by Radyo La Verdad | November 15, 2018 (Thursday) | 5670

Mga sasakyan na iligal na nakaparada ang isa sa mga dahilan ng problema sa trapiko sa Metro Manila. Kada araw ay umaabot umano ng mahigit isang daan ang natitiketan ng anti-clearing operations ng MMDA dahil sa mga sasakyang nakaparada sa mga kalsada.

Ang iba, mismong sa tapat pa ng no parking signs nakaparada na nagpakasikip sa ilang kalye. Ito ang target na masolusyunan ng isinusulong na Proof of Parking Space Bill ni Senator Sherwin Gatchalian.

Sa ilalim ng naturang panukalang batas, kailangan munang magsumite ng affidavit ang isang bibili ng bago o second hand na sasakyan para katunayan na mayroon siyang garahe para dito.

Habang inaatasan naman ang Land Transportation Office (LTO) at MMDA na magsagawa ng occular inspection. Subalit hindi kumbinsido sa panukalang ito si Engineer Alberto Suansing ng Philippine Global Road Safety Partnership.

Aniya, sa halip na makatulong sa traffic ay posibleng pagmulan lamang ito ng korupsyon. Kung siya umano ang tatanungin, kinakailangan lamang na higpitan ang pagpapatupad ng batas hinggil sa Land Transportation and Traffic Code.

Sa ilalim nito, ipinagbabawal ang pagparada sa intersection, tawiran, anim na metrong pagitan mula sa intersection sa mga kurbadang kalsada, gayundin ang apat na metro bago ang entrace ng mga fire station.

Hindi rin pinapayagan ang pagparada sa National at Mabuhay Lanes, pribadong driveway at mga lugar kung saan may karatulang no parking.

Sa datos ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines Incorporated (CAMPI), Truck Manufacturers Association (TMA) at Association of Vehicle Importers and Distribution, Inc. (AVID). Tumaas ang bilang ng mga naibebentang sasakyan simula 2014 hanggang taong 2017.

Ngunit nito lamang Setyembre 2018, bumaba ng 9.7% ang car sales. Mas bababa ito kumpara sa kaparehong period noong nakaraang taon. Habang nabawasan rin ang produksyon ng 13.8%.

Aminado ang MMDA na sa kabila ng kanilang maigting na operasyon, kulang na kulang ang kanilang mga tauhan upang mahigpit na maipatupad ang kasalukuyang batas hinggil sa illegal parking.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,