Prime Minister Shinzo Abe, bumisita sa tahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City

by Radyo La Verdad | January 13, 2017 (Friday) | 1391

victor_abe-visit
Personal na naging panauhin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang tahanan sa Davao City kaninang umaga si Japanese Prime Minister Shinzo Abe.

Sabay na nag-almusal ang dalawang lider kung saan pinagsaluhan nila ang mongo soup, kakanin gaya ng biko, suman, kutsinta at puto, sariwang prutas, salad na gawa sa puso ng saging, tsa-a at buko juice.

Ipinakita din ng pangulo sa Japanese leader ang kabuuan ng kanyang bahay kasama na ang kaniyang kwarto.

Pagkatapos nito humarap sa mga negosyanteng Pilipino at Hapon ang dalawang lider.

Hindi gaya kahapon sa Malakanyang,mas naging simple lang ang bihis ng mga ito sa Davao.

Ipinatikim din ng pangulo sa Prime Minister at maybahay nito ang prutas na durian at suha.

Samantala, inampon naman ng Japanese Prime Minister ang dalawang taong gulang na Philippine Eagle na nailigtas sa Talaingod, Davao del Norte matapos tamaan ng bala ng airgun noong nakaraang buwan.

Pinangalanan itong sakura na ang kahulugan ay cherry blossoms.

Ayon sa Philippine Eagle Foundation 125,000 pesos ang babayaran ng isang nag-aampon ng agila kada taon.

Dahil hindi maaaring dalhin sa hotel ang agila, isang replica at larawan na lang nito ang ipinagkaloob ni Pangulong Duterte sa pinuno ng Japan.

Binisita din ni Prime Minister Abe ang Mindanao Kokusaidaigaku, isang paaralan na itinatag ng Japanese decendants at dito ay sinalubong si Abe ng maraming mag-aaral.

Pasado alas dose ng tanghali naman umalis ng Davao City si Abe at sunod na pupuntahan nito ang Australia, Indonesia at Vietnam.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: