Presyo ng produktong petrolyo, tataas muli ngayong linggo

by Radyo La Verdad | September 24, 2018 (Monday) | 4338

Ngayong linggo ang ika-pitong pagkakataon na tataas ang presyo ng produktong petrolyo.

Ayon sa mga industry player, tinatayang nasa 20 to 40 sentimos kada litro ang magiging dagdag singil sa gasolina habang nasa 10 to 20 sentimos naman kada litro sa presyo ng diesel at kerosene.

Kung susumahin, mula Enero hanggang ngayong buwan, umabot na sa siyam na piso ang itinaas sa presyo ng gasoline at mahigit siyam na piso naman sa diesel.

Kung idadagdag ang ipinatupad na exicse tax, halos labing dalawang piso na ang itinaas ng gasoline at diesel sa merkado.

Ayon sa Department of Energy (DOE), ang dahilan pa rin ng oil price hike ngayong linggo ay ang sanction na ipinataw ng Estados Unidos sa bansang Iran.

Dahil dito, bumaba ang oil exports ng Iran na itinuturing na isa sa mga top oil producers sa buong mundo.

Bumaba rin ang demand ng petroleum products dahil sa trade dispute ng Estados Unidos at China at ang unti-unting pagbagsak ng imbentaryo ng US crude oil.

Sinigurado naman ng kagawaran na magbabantay sila upang maiwasan ang pang-aabuso sa presyo ng produktong petrolyo.

Regular din ang ginagawang inspeksyon ng DOE upang masiguro na sumusunod sa standard ng quality at quantity ang mga gasoline station.

Samantala, nagpatupad ng price freeze sa produktong petrolyo ang DOE sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity. Magkakaroon ng 15 days na price freeze sa kerosene at household LPG.

Sa mga sumbong at reklamo sa mga kalidad ng produktong petrolyo, maaring tumawag sa hotline number ng Oil Industry Management Bureau (OIMB) na 8402130.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,