Presyo ng produktong petrolyo, bababa kapag dumating na ang aangkating langis mula sa Russia

by Radyo La Verdad | May 31, 2018 (Thursday) | 6707

Mula Enero hanggang noong Miyerkules, labing pitong beses ng tumaas ang presyo ng diesel at labing lima naman sa gasoline, habang labing anim na beses namang tumaas ang presyo ng kerosene.

Sa naturang panahon, mahigit sampung piso na ang itinaas sa presyo ng diesel, gasoline at kerosene kung kasama ang excise tax.

Kung wala namang ipinataw na tax, nasa mahigit pitong piso lamang ang itinaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Dahil dito, inatasan ni Sec. Alfonso Cusi ang Philippine National Oil Company (PNOC) na makapag angkat ng langis mula sa bansang Russia.

Ayon sa DOE, sa pamamagitan nito ay bababa ang presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Hindi pa masabi sa ngayon ng DOE kung magkano ang posibleng mabawas sa presyo ng langis na mula sa Russia.

Ayon sa DOE, hanggat mataas ang presyo, sa world market sa Russia muna kukuha ng langis ang bansa.

Subalit ayon sa DOE, mga maliliit na gasoline station muna ang mabebentahan ng PNOC.

Ang malalaking oil company, gagawa muna ng ibang paraan upang makatulong sa publiko

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,