Bunsod ng patuloy na pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo, inaasahang susunod na rin dito ang pagbaba sa presyo ng ilang mga pangunahing bilihin
Ayon sa Department of Trade and Industry, mararamdaman na ito ng mga consumer sa mga susunod na linggo
Batay sa naging computation ng DTI, magkakaroon ng pagbaba sa presyo ng sardinas, evaporated, condensed at powdered milk, kape, instant noodles at corned beef.
Nagsimula na ring magbaba ng presyo ang isang kilalang brand ng tinapay ng piso hanggang dalawang piso sa bawat piraso.
Ang mga community baker, nagbawas na rin ng limang sentimo sa presyo ng pandesal
Bukod sa basic goods, inaasahang bababa rin ng dalawampiso ang presyo ng kada sako ng semento.
Subalit nilinaw ng DTI, wala silang karapatang mag-impose o sapilitang ipatupad ang bawas presyo at ang tanging magagawa lamang nila ay pakiusapan ang mga ito.
Hinihintay pa ng DTI ang ulat na manggagaling sa Department of Energy hinggil sa pag-aaral na ginawa nito sa relasyon ng presyo ng produktong petrolyo sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kapag naging matibay ang ebidensya at hindi pa rin nagbababa ng presyo ang ilang produkto makakasuhan ng profiteering ang mga ito
Hinikayat rin ng DTI ang mga consumer na isumbong sa kanilang tanggapan ang mga tindahang nag o-over pricing. ( Mon Jocson / UNTV News)
Tags: Department of Energy, Department of Trade and Industry