Presyo ng mga bilihin, hindi tataas – DTI Sec. Lopez

by Radyo La Verdad | September 19, 2018 (Wednesday) | 2174

Walang nakikitang panibagong pagtaas sa presyo ng mga bilihin ang Department of Trade and Industry (DTI) matapos ang pananalasa ng Bagyong Ompong.

Ayon kay Sec. Ramon Lopez, kinausap ng DTI ang NFA na magbenta rin ng NFA rice sa supermarket para maraming murang bigas at walang pagtaas sa presyo nito. P27 at P32 pa rin ang bentahan ng NFA rice.

Paliwanag ni Lopez, nagmahal ang presyo ng commercial rice dahil ang naging available ay ang fancy rice, at wala ang regular at well milled rice. Hindi rin aniya dapat tumaas ang presyo ng gulay dahil may sapat namang supply.

Nagpapatupad din ang DTI ng price control o price freeze sa mga lugar na apektado ng bagyo tulad ng Cagayan na nagdeklara na ng state of calamity.

Bumaba na ang presyo ng ilang bilihin sa Balintawak Market tulad ng repolyo at sili, pero walang paggalaw sa presyo ng sibuyas at bawang.

Samantala, makakabili ng mas murang manok, baboy, gulay, bigas, itlog, de lata at iba pang pangunahing bilihin sa rolling store ng DTI sa paglulunsad kahapon ng programang suking outlet, isang producer to consumer market program sa Barangay Commonwealth sa Quezon City.

Mananatili ang DTI rolling store sa Commonwealth mula alas syete ngayong umaga hanggang mamayang alas dos ng hapon.

Layon ng proyekto na malabanan ang mataas na presyo ng bilihin dulot ng inflation.

Nagpapasalamat naman ang mga residente dahil nakatipid sila at mas maraming produkto ang kanilang nabili kumpara sa palengke.

Plano ng DTI na magbukas din ng Suking Outlet sa iba panig ng Metro Manila.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,