Presyo ng galunggong, bagsak presyo dahil sa isyu ng kontaminasyon

by Radyo La Verdad | September 4, 2018 (Tuesday) | 3475

Biglang bagsak ang presyo ng mga galunggong ngayon sa mga pamilihan.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, posibleng apektado ng umanoy isyu ng kontaminasyon ang presyuhan ng galunggong sa merkado.

Mula sa 160 to 180 piso kada kilo noong mga nakaraang linggo, ngayon ay 100 to 120 piso kada kilo na lamang ito. Mas mababa pa ito sa suggested retail price (SRP) na inilabas ng DTI na 140 piso kada kilo.

Ayon sa BFAR, natatakot ang mga nagtitinda na baka hindi mabenta ang kanilang galunggong kung kaya’t ibinaba nila ang presyo.

Pero ayon sa BFAR, walang dapat ikatakot ang publiko dahil hindi totoo ang isyu ng kontaminasyon sa mga galunggong.

Upang patunayan ito, maagang kumuha ng mga sample ng galunggong ang BFAR sa mga palengke ng Muñoz at Balintawak kahapon. Ito’y para suriin kung kontaminado ang mga ito sa mga kemikal gaya ng formalin.

Ayon kay Department of Agriculture underseccretary at BFAR Director Eduardo Gongona, hindi imported ang nakuha nilang mga sample. Nagnegatibo naman ang mga ito sa anomang uri ng kemikal na nakasasama sa kalusugan. Tatagal pa aniya ng mga dalawang linggo bago dumating ang mga imported na galunggong.

Ayon sa opisyal, titiyakin nilang ligtas ang mga inangkat na mga isda bago payagang makalabas sa merkado.

Kinailangan din na mag-angkat ang pamahalaan ng galunggong dahil kaunti ang supply nito ngayon.

Sasabay pa aniya ang fishing ban sa mga karagatang sakop ng Pilipinas na pinagkukunan ng lokal na galunggong.

Sa buwan ng Oktubre ay sisimulan na ang tatlong buwan na closed season sa panghuhuli ng galunggong, sakto anila sa pagdating ng mga imported na pupuno sa kakulangan ng supply.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,