Presidential Spokesperson Roque, aminadong walang alam sa kalusugan ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | October 9, 2018 (Tuesday) | 4937

Hindi masagot ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga tanong hinggil sa kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos lumabas ang mga ulat na sinabi nina Acting Interior Secretary Eduardo Año at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na cancer-free ang punong ehekutibo.

Ayon sa mga opisyal, mismong si Pangulong Duterte ang nagsabi umano nito sa kanilang cabinet meeting kagabi. Tumanggi naman si Roque na kumpirmahin o pabulaanan ang mga pahayag na ito.

Gayunman, nagtitiwala pa rin si Roque na kung sakaling mang may seryosong banta sa kalusugan ng Pangulo, mismong si Pangulong Duterte ang magsasabi nito sa publiko.

Subalit sa ngayon, hangga’t walang binabanggit ito ay nanindigan ang Malacañang sa karapatan ni Pangulong Duterte hinggil sa confidentiality.

Samantala, hindi pa rin nakakapagdesisyon ang opisyal kung itutuloy nito ang pagtakbo bilang senador o tanggapin ang alok na pagiging press secretary ng Duterte administration. Patuloy aniya silang nag-uusap ni Pangulong Duterte hinggil dito.

Sa susunod na linggo, inaasahang magbigay ito ng pinal na desisyon at nakatakda ring bumiyahe ang kalihim patungong China para sa isang conference mula ika-11 hanggang ika-15 ng Oktubre.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,