Pres. Marcos Jr., naniniwalang malaki ang maitutulong sa ekonomiya ng balik-eskwela

by Radyo La Verdad | August 8, 2022 (Monday) | 3562

METRO MANILA – Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Junior ang lahat ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na gawin ang lahat upang maging matagumpay ang pagbabalik ng face-face classes.

Sa kaniyang vlog, sinabi ng pangulo na may magandang epekto ito sa ekonomiya ng bansa.

“Kaya’t kapag ito ay naging matagumpay, hindi lang ito balik-eskwela kundi balik-negosyo, balik-hanapbuhay at balik-kaunlaran,” ani Pres. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Ayon pa kay PBBM, aabot na sa 15.2 million ang nakapag-enroll para sa school year 2022-2023.

Dahil dito marami ulit ang inaasahang gagamit ng pampublikong mga sasakyan sa pagpasok sa klase na siyang bubuhay naman sa transport sector.

“Kakailanganin ng mga estudyante na mag-commute papuntang eskwelahan. Kaya’t ang ating transport sector ay muli ring magkakaroon ng karagdagang trabaho. Kailangan din ay handa ang mga pampasaherong sasakyan na ipatupad ang minimum safety standards.” ani Pres. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Makikinabang rin aniya ang retail industry dahil marami ring estudyante ang mangangailangan ng kanilang school supplies at iba pang materyales.

Muling nanawagan si Pangulong Marcos sa lahat na magpaturok na ng booster dose laban sa COVID-19 upang matiyak na magiging ligtas ang pagbubukas ng klase sa susunod na linggo.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , ,