Preliminary investigation sa Atio Castillo hazing case, sinimulan na ng DOJ

by Radyo La Verdad | October 5, 2017 (Thursday) | 2116

Sinimulan na ng DOJ ang preliminary investigation sa pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III sa umano’y insidente ng hazing.

Dumalo sa pagdinig ang pangunahing suspek na si John Paul Solano na magsusumite na sana ng kanyang counter affidavit, pero hindi ito natuloy dahil hiniling ng Manila police at ng abogado ng pamilya Castillo na payagan silang magsumite ng karagdagang ebidensiya.

Ayon sa MPD, hinihingi na nila sa TELCO ang records ng mga teleponong nakuha sa library ng Aegis Juris Franternity.

Isusumite naman ng abogado ng pamilya Castillo ang transcript ng pagdinig ng Senado.

Isasama na rin sa reklamo bilang mga respondent si Nilo Divina at ilang opisyal ng UST.

Paliwanag ni Kapunan, nakasaad sa Anti-Hazing Law na may pananagutan din ang mga opisyal ng paaralan.

May alam na rin aniya si Divina sa nangyari kay Atio bago pa man nalaman ng pamilya ang sinapit nito.

Sagot ni Divina, minamanipula lamang ni Kapunan ang pamilya Castillo. Sa halip aniya na alamin ang totoong nangyari at mabigyan ng hustisya si Atio, sinisisi nito ang mga inosenteng tao para sa kanyang personal na interes.

Itutuloy ng DOJ ang preliminary investigation sa susunod na Lunes. Magsusumite naman ng kontra-salaysay ang mga respondent sa October 24.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,