Power saving device na nabibili sa pamilihan, hindi epektibo ayon sa Meralco

by dennis | July 15, 2015 (Wednesday) | 1263

INVERTER

Hindi nakakatipid sa pagkonsumo ng kuryente ang mga power saving device na nabibili sa merkado batay sa pagaaral ng Meralco.

Ang mga aparatong ito ay nagkakahalaga ng P2,500 hanggang P5,000 bawat isa. Iniiwan lamang itong nakasaksak sa electrical outlet at sinasabing gagana ito para mapababa ang bill sa kuryente.

Subalit, sa pagaaral na isinagawa ng Meralco ay napatunayan na hindi ito nakatitipid bagkus nakakadagdag pa ang mga power saving device na ito sa pagkonsumo ng kuryente.

Ayon sa Meralco, nasa costumer pa din ang matalinong pagkonsumo ng kuryente upang makatipid.

Maaari anya na gumamit ng mga makabagong appliances tulad ng LED TV sa halip na LCD TV, LED lights kaysa sa incandescent lights at Fluorescent lights. Mas matipid din ang paggamit ng inverter na refrigerator kaysa sa conventional refrigerator. Subalit may kamahalan ang mga ganitong appliances.

Bukod dito ay maaari rin anyang makatipid sa pamamagitan ng pagaadjust sa 25 degrees ng air-conditioning unit at pagtatanggal sa saksakan ng kuryente ang anomang appliances kapag hindi ginagamit dahil kumokonsumo pa rin ito ng kuryente.(Macky Libradilla/UNTV Radio)