Posibleng pagtaas ng ATM fee ng mga bangko, paiimbestigahan ng Kongreso

by Radyo La Verdad | August 15, 2019 (Thursday) | 10111

Pinangangambahan ngayon ang posibleng pagtataas ng singil sa mga transactions gamit ang Automated Teller Machines (ATM) ng mga bangko sa bansa.

Ito ay matapos na maglabas ng moratorium ang Bangko Sentral ng Pilipinas na nagli-lift sa pagpigil sa pagtataas ng Automated Teller Machine o ATM fees.

Ayon survey ng mga ATM fee, nasa p10 hanggang p15 pesos ang charge na sinisingil ng mga bangko sa bawat interbank withdrawal habang p2 naman bawat interbank balance inquiry.

Ayon sa House Committee on Banks and Financial Intermediaries, posible itong tumaas ng P15 hanggang P30 sa bawat interbank withdrawal o mas higit pa. Bagay na makakaapekto sa mahigit 58 million ATM card holders sa bansa.

Bunsod nito, naghain ng House Resolution si Makati Representative Luis Campos, Jr. upang maimbestigahan ang nakaambang pagtaas ng ATM fees.

Gayunpaman, nagbigay naman ng kasiguraduhan ang Bangko Sentral na hindi maaaring magtaas ang anumang bangko ng kanilang ATM fees nang hindi naaprubahan ng BSP.

Siniguro din ng BSP na susuriin nila ng maigi ang bawat proposal na darating sa kanilang tanggapan upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga banking consumers.

Tags: ,