METRO MANILA – Pinagpapaliwanag na ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Agriculture (DA) ang Mekeni Food Corporation matapos magpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang kanilang mga produkto matapos ang confirmatory test ng Bureau of Animal Industry (BAI). Posibleng makaharap sa kaso ang pamunuan ng kumpanya kapag napatunayang nagkaroon ito ng kapabayaan.
Sa isang pahayag, tiniyak ng Mekeni Food Corporation na makikipagtulungan sila sa gagawing imbestigasyon ng pamahalaan. Maging ang produktong baboy mula sa China na nakumpiska ng DA sa Manila Port ay positibo rin sa ASF.
Iniimbestigahan na ngayon ng DA kung saan nanggaling ang karne ng baboy na ginamit sa skinless longganisa at picnic hotdog na produkto ng Mekeni Food Corporation at ng iba lang pork products na nakumpisaka noong October 6 sa Calapan Port, Mindoro
Upang mapigilan ang pagkalat ng ASF naghahanda ngayon ang DA ng national zoning plan. Doon nila tutukuyin ang mga lugar na infected, containment, surveillance, protected at free o clean zone.
Nagnegatibo naman sa ASF ang 63 sa halos 200 processed meat manufacturing plant sa bansa base sa ininspeksyon na sisinagawa ng FDA at DA. Nakiusap naman ang DA sa publiko na huwag magpakain ng kaning baboy na galing sa mga retaurant at hotel at sa mga trader na huwag bumili ng mga baboy na may sakit.
(Rey Pelayo | UNTV News)