Nagbabala si Senate Committee on Public Services chair Senator Grace Poe sa mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na posible nilang ipitin ang kanilang panukalang 2019 budget.
Ito’y kung hindi maipaliliwanag ng ahensya sa Senado ang mga isyu at reklamo kaugnay sa isinusulong na jeepney modernization program ng pamahalaan.
Kabilang sa mga isyung kwestyonable para sa senadora ang 80,000 piso na subsidiya kada driver na ayon sa kanya ay lubhang maliit upang makabili ang mga ito ng modernong jeepney unit.
Ipinagtataka rin ng mambabatas kung bakit 75 porsyento pa ng mga jeepney driver sa bansa ang hindi pa rin nakatatanggap ng fuel voucher.
Sa isang transpo summit na isinagawa kahapon sa National Press Club sa Intramuros, Manila na pinangunahan ng grupong Piston, muling ipinahayag ng daan-daang nga jeepney driver at operator ang kanilang pagtuligsa sa jeepney modernization program.
Nilinaw ng grupo na suportado nila ang panukalang pagbabago sa public transportation.
Subalit hindi ang kasalukuyang bersyon ng pamahalaan na ang malalaking car manufaturers lamang anila ang makikinabang.
Ipinagpapasalamat ng mga ito ang suportang ipinakita ni Senator Poe sa kanilang ipinaglalaban.
Nais ng Piston na maimbestigahan din sa Senado ang anila’y kwestionableng probisyon ng Omnibus Franchising Guidelines na sinasabing pumupwersa sa maliit na operator na bumili ng mga bagong unit ng jeep.
Dati nang sinabi ng LTFRB na isinusulong nila ang pagpapalit ng nga bagong jeep upang maiwasan na ang mga aksidente.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: DOTr, PUV modernization, Sen. Grace Poe