Police official, kritikal matapos barilin kagabi sa Quezon City

by Radyo La Verdad | November 9, 2018 (Friday) | 5417

Pasado alas syete kagabi ng tambangan ng hindi pa nakikilalang suspek si PSupt. Edgardo Cariaso ng Planning and Research Division ng Internal Affairs Service.

Sa kuha sa CCTV footage ng barangay, kabababa lamang ni Col. Cariaso sa kanyang sasakyan ng bigla siyang lapitan ng lone gunman at pagbabarilin. Kritikal ngayon sa pagamutan si Cariaso.

Ayon kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde, sangkot sa kalakalan ng iligal na droga si Cariaso at dating nakatalaga sa Drug Enforcement Unit ng Northern Police District.

Ngunit ayon sa hepe ni Cariaso sa IAS na si Atty. Alfegar Triambulo, hindi natatanggap sa IAS ang mga pulis na may masamang record at wala naman sa narco list ng Pangulo si Cariaso.

Ngunit iimbestigahan pa rin aniya nila ang sinasabi ng chief ng PNP na sangkot ito sa iligal na droga.

Dagdag ni Triambulo, tatlong linggo bago ito tambangan, sinabi sa kanya ni Cariaso na may natatanggap siyang pagbabanta sa kaniyang buhay.

Pinayuhan pa aniya nyang umuwi ito lagi ng maaga dahil sa mga natatanggap na death threat.

Si Cariaso, ang isa sa katulong ni Atty. Triambulo sa pag-iimbestiga sa mga inirereklamong pulis at maging sa imbestigasyon sa mahigit sa 600 pulis na napatanggal nila sa serbisyo dahil sa iba’t-ibang kaso.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,